Thursday, October 1, 2009

Tomasino..Negosyo...Kaya mo!





Go uste! Go uste! Go uste! Go! Go! Go! Go! Karaniwan natin itong naririnig sa mga tomasinong dumadalo sa mga laban ng UAAP. Madarama mo ang kanilang matinding suporta para sa mga manlalaro ng UST at sinasabi nitong hindi lamang tayo magaling sa larangan ng akademiko kung hindi pati na rin sa larangan ng palakasan at isports.
Ooops! Teka lang…maliban sa isports, ang mga Tomasino ay may ibubuga din sa larangan ng Komersiyo! Sa katulad naming mga mag-aaral mula sa Kolehiyo ng Komersiyo madaming katangian ang dapat naming taglayin at linangin. At sa katulad naming mga freshmen isang mabisang paraan ang makapanayam ang isang kapwa naming mag-aaral mula sa aming kolehiyo na mayroon nang kaalaman ukol sa pagpapatakbo ng negosyo upang lubos naming maunawaan ang buhay at negosyo ng isang Tomasino.
Aming nakapanayam ay si Ms. Florence N. Contreras. Siya ay bunso sa anim na magkakapatid sa kanilang pamilya. Labing siyam na taong gulang lamang siya at wala pang asawa. Siya ay kasalukuyang nag-aaral sa Unibersidad ng Santo Tomas sa kursong “Entrepreneurship” at siyempre sa Kolehiyo ng Komersiyo. Isa siyang magandang babae hindi lamang sa panlabas kung hindi sa kalooban din sapagkat bukod dito isa siyang aktibong opisyal ng Student Council sa aming kolehiyo. Ang kanyang negosyo ay nagsimula habang siya ay nag-aaral pa dahil isa itong requirement sa kanyang kurso. Ayon sa kanya ang kanyang hilig ay pagkain.
Ang kanyang negosyo ay isang meatshop. Nakatayo ito sa palengke ng Kalayaan Ave. Diliman Quezon City. Pinili niyang pasukin ang “Sole Propreitorship” o solong pagnenegosyo at ang kanyang mga prodikto ay mga processed meats gaya ng Longanisa at Tocino. Itinitinda niya ang kanyang mga produkto sa mga sambahayan sa lugar ng Diliman. Makikita natin na ang kanyang target market ay ang masa. Ayon sa kanya at sa aming natunghayan ng aming dalawin ang kanyang negosyo, ang kaibahan ng kanyang negosyo sa mga kakumpitensiya doon ay ang pagkakaroon niya ng sariwang produkto at Tocino/Longanisa na gawa sa manok. Sariwa ang kanyang mga produkto dahil nanggagaling ang mga karne mula mismo sa negosyo ng kanilang pamilya sa Caloocan City. Mayroon din siyang isang empleyado na siyang tunatao sa kanyang puwesto.

Sa tulong ng mga payo ng kanyang mga kaibigan at suhestiyon ng kanyang pamilya, nabuo ang ideya ng kanyang negosyo. Ayon sa kanya karugtong na rin ito ng negosyo ng kanyang pamilya na “Chicken dealing”. Sila ang nagsisilbing middleman ng mga poultry sa probinsya at ng mga negosyante na nagtitinda ng manok sa Maynila. Dumalo rin siya ng mga seminar tungkol sa pagpoproseso ng karne na naging malaking tulong para sa kanya. At sa tulong din ng mga programa sa kanyang kurso ay naging madali para sa mga tulad niya ang magsimula.
Ayon sa kanya, walang madali para sa lahat ng baguhan sa isang larangan. Tulad ng ibang mga negosyante naranasan niya rin ang pagkalugi sa simula. Habang tumatagal ay nasanay siya gamit ang mga natutunan. Sa lahat ng simula ay bihira ang kumita agad dahil hindi pa kilala ang produkto mo at hindi pa alam ng nakararami ang iyong negosyo o pagtitinda. Mapalad naman siya at wala pa siyang nagiging problema sa kanyang empleyado. Maayos ang kanilang samahan at maayos niyang naibibigay ang karampatang sweldo at benepisyo nito.
Binabalak niyang palawakin pa ang kanyang negosyo. Ninanais din niyang humanap pa ng ibang puwesto para sa kanyang tindahan. Naghahanap din siya ng mga taong maaring magsilbi bilang ahente ng kanyang mga produkto.
Nang aming itanong kung ano ang kanyang naging kontribusyon sa industriya ng pagkain, buong pagmamalaki niyang sinabi na ang pagbibigay niya ng produktong malinis at mabuti para sa kalusugan ang kanyang ambag. Mapapatunayan ito dahil white meat lamang ang kanyang ginagamit sa paggawa ng chicken longganisa; makabubuti iyon sa mga “health conscious” at higit na mas mababa ang kolesterol nito kumpara sa baboy. Hindi rin siya gumagamit ng mga “extenders” sa karne na makasasama sa katawan. Sinabi pa niya, “Mabuti nang maliit ang kita basta nakikilala ng mga mamimili na malinis, masarap at mataas ang kaledad ng mga produkto ko”.
Ang rurok ng aming panayam ay kung ano ang Thomasian Values na kanyang naisabuhay at naisagawa sa kanyang negosyo. “Ang pagiging competent sa compassionate na paraan. Competent sa pagnenegosyo, competent sa kaledad at sarap ng produkto at competent sa paglutas ng mga suliranin. Compassionate naman sa aking mga suki dahil binibigay ko ang nararapat sa halagang ibinabayad nila. Hindi ako nanlalamang para kumita at sinisigurado ko na sulit ang presyo para sa aking produkto”, ang naging buong pagmamalaking sagot niya. Nabanggit din niya na ang pagiging compassionate sa empleyado sa pamamagitan ng pagbibigay ng nararapat na suweldo sa kanyang ginagawa at benepisyo para sa kanya bilang tao ay susi sa maunlad na negosyo.

Ibinahagi niya sa amin ang kanyang maipapayo sa mga baguhang negosyante at mag-aaral ng komersiyo tulad namin, “Ang pagnenegosyo ay hindi lang kung paano ka kikita ng malaki, sa halip itp ay kung paano mo rin maibabalik sa mga mamimili ang kaledad ng produkto na binayaran nila. Kasama na rin dito ang responsibilidad ng isang negosyante at tungkulin para sa mga mamimili at sa pamayanan.Hindi ito madali dahil kailangan ay alam mo ang lahat ng angulo ng pagnenegosyo, dapat naiintindihan at gusto mo ang ginagawa mo. Masarap sa pakiramdam ang nakikita mo na may bunga ang lahat ng paghihirap mo lalong lalo na kapag kumikita ka na, nakakatulong ka na at nakapagbibigay ng hanapbuhay sa iyong empleyado. Tuloy-tuloy ang pagkatuto sa pagnenegosyo dahil hindi lamang sa apat na sulok ng silid-aralan tayo natututo”. Napakaganda ng sinabi niyang ito. Ito ang naiwan sa aming isipan matapos ang mahabang panayam sa kanya.

Ngayon, lalo pa naming naintindihan kung bakit ang logo ng aming kolehiyo ay gulong na may pakpak. Kami ay magsisilbing gulong na siyang magpapaikot sa ekonomiya at industriya upang makapagbigay ng hanapbuhay at pangangailangan sa mga taong ordinaryo man o propesyonal. Saan magtatrabaho ang mga doktor kung walang negosyanteng magtatayo ng ospital? Paano ang mga inhinyero kung walang mga construction firm ng mga negosyante? Saan magtatrabaho ang mga ordinaryong tao na nangangailangan kung walang mga maliliit na negosyo gaya ng sa aming nakapanayam? Kasama ang aming pamantasan at ang Thomasian values, ang mga mag-aaral na gaya namin ay mahuhubog upang maging produktibo mamamayan at pag-asa ng bayan.

1 comment: